Monday 30 March 2020

Hatinggabi

Baguio
(Baka Sakaling Sandali by The Storyteller Project)

Baka naman pwedeng humingi ng isa pang gabi,
Kahit paupo lang sa iyong tabi,
Wag kang mag-alala wala namang kailangan lumabas sa iyong mga labi,
Hindi naman talaga lahat ng pagmamahal may ganti,
Pagbigyan mo lang ako at mundo’y saglit na isasantabi,
Nakawin muna natin ang gabi nang walang sabi-sabi. 



Pwede tayong kumain muna sa Jollibee,
Tsaka natin panoorin yung bandang matagal mo nang ipinagmamalaki,
Marami pang oras, huwag ka munang uuwi,
Ayoko kasi sanang magmadali.
Pahingi naman ako ng oras mo kahit kaunti at yung wala akong kahati, 
Hayaan mo muna akong maging makasarili,
Hayaan nating buwan ang maging saksi ng ating mga huling sandali,
Kahit ba ito pa’y pakunwari.
Pagbigyan mo na sana ko kung maaari,
Para walang kahit anong pagsisisi,
Mahirap din kasi kalimutan yung minsan ko nang nakabisadong mga ngiti.

Hindi ko naman na hihilingin ang ‘yong pananatili,
Parehas naman nating alam na sakaniya ka parin uuwi’t uuwi,
Hindi na ko makikisali at kusa nang ikakabig ang mga guni-guni,
Tanggap ko naman ang pagkalugi’t pagiging mali,
Hindi lang talaga mahirap ang umasang pagtapos nito’y may naghihintay na bahaghari,
Na baka doon pwede tayong bumawi,
Na baka sa wakas sa buhay mo'y pwede na kong maging bahagi,
Na baka sa dulo nun ako naman ang iyong pinili,
Na sana doon, tayo naman hanggang sa huli.

Ako lang nama’y nagbabaka sakali,
Kasi hindi lang naman ako pang hatinggabi, 
Nais ko rin maging iyong pang tanghali,
Nais ko rin maging iyong palagi,
Pero pwede ka namang tumanggi,
Sa huli, gusto ko parin kung saan ka mapapabuti,
Kahit ano pang mangyari.

Thursday 26 March 2020

Tayo sa Huling Gabi

Huling Gabi
Ang tulang ito ay mayroong dalawang parte, ang kabalintunaan at ang katotohanan.
Magsimula tayo sa gusto ng nakararami,

Kabalintunaan, ang kasinungalingan.

Payapa ang gabi't himlay ang mga bituin,
Pati ang mga alo'y malumanay na humahampas sa buhangin,
Ni ang mga kulisap ay mas piniling sa ibang lupain magbuhos ng kanilang hinain.
At eto ka sa aking tabi at natutulog nang mahimbing.
Wala ka man lang kamalay-malay na sa kabila ng katahimikan ng kalawakan,
Ang puso ko nama'y naghuhumiyaw na para bang gusto ng kumawala sa kanyang pinagsisidlan. 

Sa sobrang tagal ng ating pananatili sa piling ng isa't isa,
Hindi ko parin mawari kung bakit laging hindi mapakali at parang kinikiliti tuwing ika'y aking katabi,
Ano nga bang nagawa ko at bakit ako binibiyayaan ng ganito kalaki?

Sa kabila ng aking mga pigil na hikbi sa mga iniyakan kong gabi,
Ika'y nanatili at mas piniling makinig
Tumangis ka rin sa aking tabi at naalala ko pa ang iyong sinabi, 
"Mahal, parang awa mo na ibigay mo nalang sakin lahat ng hinanakit dahil hindi ko kayang panoorin kang namimilipit sa sakit"
Malayo ako sa pagiging perpekto,
Pero ako parin ang iyong ginawang paborito at doon ko mismo napagtanto 
Na ang tahanang matagal ko ng hinahanap ay sa piling mo.

Marami sigurong aburido at nagtatanong kung bakit ang isang tao'y ginawa ko ng mundo,
Hindi nila maiintindihan kung paanong parang sinusunog ang aking lalamunan sa bawat di kaakit akit na salita na kailangan kong bitawan sa ating awayan,
Mahal, wala silang kamalayan kung paanong parang may namumuong delubyo sa aking puso makita ko lamang ang mga ngiti mo,
O kung paanong nanlulumo ang aking mga tuhod marinig ko lamang ang boses mo,
O kung paanong isang tingin ko lamang sa mga mata mo'y napapatigil na ako't di mawari ang sunod na salitang pakakawalan,
O kung paanong nagiging iyong alipin ang aking damdamin na hindi basta-basta kayang paalpasin.
Tinuruan mo akong maging isang lawin na kayang liparin ang himapapawirin na kahit anumang pagsubok ang harapin, 
Maasahan kong sabay nating babaybayin ang walang kasiguraduhang mundo dahil mahal, sigurado ako sayo.

Kaya sa huling gabing payapa ang gabi't malumanay ang hangin 
At ang mga alo'y humihimlay sa buhangin
At ang mga kulisap ay sa ibang lupain binubuhos ang kanilang mga hinain,
Irog, sinong magaakala na totoo nga ang kasabihan na sa haba-haba ng nilakaran ay sa simbahan din ang ating hahantungan. 

Kaya, mahal, pagbigyan mo ako sa huling gabing ito, 
Na hindi pa tayo pinag-iisa ng langit at mga bituin,
Makikisabay ako sa daloy ng mga ulap at agos ng hangin,
At sa Itaas ako'y hihiling,
Ang taong tulad mo'y pinagdasal ko ng mataimtim
At ngayong ika'y nasa akin nang piling
Wala na kong balak na ikaw pa'y paalisin. 


Huling Tayo

Pero, mahal, tayo'y mga ibon
Na mas piniling sa ibang panahon na lamang muling magtagpo dahil tayo'y lumiko sa magkaibang direksyon.
At eto ang totoo, ganito ang mundo.
Yung akala mong walang mintis at kay tayog, guguho at guguho.
At eto na nga tayo, sa pinaka ayokong katotohanan. 
Hindi ko maintindihan, paano nga ba nawala sakin ang aking tahanan? 

Walang patid na pagbusina ng mga sasakyan,
Kaluskos ng mga paang nagmamadali papunta sa kanya-kanyang tahanan,
Nakakarinding kaguluhan.

Dito ata pinili ng mga kulisap magbuhos ng kanilang mga hinain sapagkat wala ka na sa aking piling.
Subukan naman natin ang kuwento natin.

Nagsimula tayo,
Pinagpatuloy natin,
Iginapang natin,
Natalo ako,
Lumaban ka,
Nagalit ka,
Sumuko ako,
Mga luhang umaagos,
Mga salitang tumatagos,
Mga emosyong bumubuhos,
Pusong nakagapos,
Pagmamahal nating lubos,
At iyong huling haplos,
umaagos, tumatagos, bumubuhos, nakagapos, lubos, haplos, tapos
At doon na nga tayo nagtapos,
At sa loob lamang ng ilang oras,
Dalawang taon ay nauwi sa upos.
Baka nga dapat na lamang nating iasa sa Diyos.
Baka sakaling Siya, kaya niya pang isaayos.
Baka puwedeng punan Niya yung mga bagay na tayo'y kinapos.
Baka Siya alam Niya yung tamang kilos,
Pero sa huli, ang punto, tayo'y nagtapos. 

Mahigit isang daang salita,
Ngunit iisa ang ginugunita,
Mula sa kulay ng iyong mga mata,
Hanggang sa pagmamahal mong mapagportekta.
Mahal kita,
At patuloy kitang mamahalin,
Matapos man ang kwento natin.
Kaya sana huwag mo namang balewalain,
Kung paanong pinili kong mag-iwan ng mga magagandang gugunitain,
Kaysa tuluyan pang ang estorya natin ay masamain.
Hindi lang naman to para sa akin,
Pero maiintindihan ko kung sa galit ika'y maging alipin.
Para sa mga pangakong sa wala nauwi, paumanhin
Para sa emosyong namumutawi, paumanhin
At para sa mga gabing nais ika'y mabawi, paumanhin
Kung kaya ko lang, damdami'y papatayin.
Panalangin nawa'y dinggin,
Kasiyahan mo lamang ang hinihiling,
Kahit wala na ako sa iyong piling.

Hindi mo alam kung paanong parang ako'y pinaglalaruan ng sarili kong isipan,
Paano bang basta na lamang mawala ang taong pinag-alayan ko ng lahat-lahat?
Hindi ko na alam kung pano ipapanalo ang laban,
Nakikita parin kita sa mga lugar na minsan nating napuntahan,
Naamoy parin kita sa paborito kong kasuotan,
Naririnig ko parin bawat hikbi at kalungkutan.

Kaya, mahal, pagbigyan mo ako sa huling gabing ito,
Makikisabay tayo sa ingay ng mundo,
Umasa na lamang tayong matatapos din ang delubyo sa ating mga puso.
Tapos na ang laro ng pantintero,
Oras na para magbitaw at sa buwan tayo'y magpapaagaw,
Mga nakaw na sandali, dadaming di maikubli,
Tama na.
Awat na.
Ayoko na.

Wednesday 25 March 2020

Tahan

(Kalachuchi by Munimuni)

Tahan
Gabing mapanglaw at buwan na dilaw,
Ayan ka nanaman at pilit akong ninanakaw sa mundong ibabaw,
Pilit akong nililigaw sa gitna ng mga bituin at utak kong nagsusumigaw,
Ang kalungkuta'y eto nanaman at sumisingaw.
Isang bulalakaw nanaman ang babagsak at tuluyang mawawalan ng ilaw,
Iyan... ikaw.

Habang ang lahat ay hindi pa malinaw, huwag kang bibitaw,
Yang kititing mong pag-asa, panghawakan mo't gagawin nating umaapaw.
Hayaan mo lang ang paglubog at paglitaw sapagkat bukas malamang andyan nanaman ang haring araw,
At wala kang magagawa kung hindi isayaw ang mga emosyong umaalingawngaw.
Hayaan mo muna ang agos ng galit na ilog at hampas ng along hindi mahinahon.
Hayaan mo muna ang iyong sarili sa gitna ng ipo-ipong titigil din hindi paglaon.
Hayaan mo na lamang ang panahong kusang umayon.
Dahil ganun naman talaga diba, ang iyong uhaw ay mapapatid, ang halimaw ay mapapagod din at ang bughaw na alapaap ay muling iyong matatanaw.

Ang mundo'y hindi titigil para sa'yo o para kahit kanino,
Maraming magiging mapilit at istorbo,
Makikita mo ang iyong sarili na aburido't gugustuhin na lamang magtago at maglaho
Sino bang hindi nanaising gumawa ng sarili nilang palasyo? 
Malademonyong kutsilyo, gatilyo, sigarilyo, sakripisyo; lahat-lahat para lamang makalayo.
Sinasabi ko sayo pre, gago ang mundo pero dapat mas gago ka wag kang papatalo,
Pero sige, hayaan na lamang muna natin ang paglipas ng mga minuto at sarili nating mga takbo.
Makikisabay tayo ngayong huling araw ng Agosto,
Mapagtatanto din nating hindi perpekto ang mundo at lalo na ang mga tao,
Pero, eto parin tayo.


Meron ka talagang makikilala pero hindi lahat ay dapat manatili,

Mga nakaw na sandali, mga tamang nagiging mali.
Mga panahon sa kanilang piling na dagli,
Mga damdaming hindi maikubli,
Pero ayos lang, salamat parin sa pananatili kahit sandali,
Buhay ay hindi na magiging katulad ng dati.

Sa ilang libong beses na sinabi kong hindi ko na kaya at ang buhay ay pilit na dinadaya,
Eto parin ako, humihinga.
Hindi laging masaya, hindi lahat ng bagay ay magiging kaaya-aya,
Masyadong maliit ang kahon na iyong kinalalagyan,
Kaya, piliin mong lumaya sa mga rehas na pilit mong ginawa.

Masyado nang maraming nangyayari,
Problema'y lagpas na sa bilang ng mga daliri
Kung maaari, pakunwari na lamang muna nating piliin na parang walang nangyari,
Old school pero oo, bahaghari'y sisikat din.


Tahanan


Sa labing-walong taong ginugol ko sa mundong ito,
Ako'y naging isang ibon,
Na iniraos sa pamilyang hindi perpekto pero ang pagmamahal ay lubus-lubos,
Na pilit lumipad kapantay ng mga ulap,
Pasalubong sa matatalim ngunit pinapangarap kong hangin,
Pilit kong hinahanap ang katapusan,
Hangga't sa wala na akong nagawa kundi himpapawiri'y sabayan.
Sa layo ng aking nilipad, bumalik akong muli,
Sa dami ng taong aking nakilala, bumalik akong muli,
Sa lahat ng lugar na aking napuntahan, bumalik akong muli,
Sa mga kakaibang karanasan, bumalik akong muli,
Sa kung asan ang tahanan,
Para tuluyan nang tumahan.
Tama na ang mga gabing itinulog kong may luha sa mga mata,
Tama na ang pagkukulong sa silid sa gitnang umaga,
Tama na ang paghahanap sa ibang tao ng aruga,
Tama na ang pagkwe-kwestyon sa sariling halaga,
At tama na ang paglalagay sa sarili sa mga lugar na para bang wala kang espasyo.
Ilang ulit na naalog at nahulog at nabugbog at nasunog pero sa tingin ko narating ko na yung tuktok.
Kaya kulang etong mga walang kwentang salitang kanina ko pa binibitawan para magpasalamat,
Sa lahat ng tao para sa lahat ng bagay na hinayaan niyo akong maranasan.
Hindi ko na kailangan malaman lahat ng kahulugan,
Hindi ko na kailangang maintindihan,
Wala na kong dapat gawin kung hindi hayaan ang mga paa ko kung saan man ako nito dalhin sa lansangan,
O aking pakpak sa himpapawirin na walang kasiguraduhan,
Basta eto parin ako, sa gitna ng mga tula at talatang aking nasimulan pero ayoko munang pangunahan kaya hindi ko muna ito bibigyan ng katapusan.
Makakarating din ako sa daungan,
Kung saan ang lahat ay pwede ko nang iwanan,
Pero ngayon kuntento ako sa aking nararamdaman,
Katotohanan man o kabalintunaan,
Kahit ano papaniwalaan,
Bahala na ang karagatan pagkat kalaunan paniguradong mundo pari'y ako'y kukumutan,
Ibubulong na lamang lahat sa aking unan,
Bahala na ang mga Bathalaan,
Hindi na ako manlalaban,
Sarili naman ang tutulungan,
Lahat na ay kakalimutan,
Hahayaan nang maulanan,
Hindi na pipiliin mahirapan,
Luha'y pupunasan,
Puso'y bubuksan,
At tatandaan,
Hindi pa ito ang katapusan.

Tangina 

Your Not-So-Gentle Hands

Ajani/him - he who wins the struggle Alexandra/I - defender of mankind; helper Zoe - life Some bitch - whoever that girl was “What was that...