Thursday 26 March 2020

Tayo sa Huling Gabi

Huling Gabi
Ang tulang ito ay mayroong dalawang parte, ang kabalintunaan at ang katotohanan.
Magsimula tayo sa gusto ng nakararami,

Kabalintunaan, ang kasinungalingan.

Payapa ang gabi't himlay ang mga bituin,
Pati ang mga alo'y malumanay na humahampas sa buhangin,
Ni ang mga kulisap ay mas piniling sa ibang lupain magbuhos ng kanilang hinain.
At eto ka sa aking tabi at natutulog nang mahimbing.
Wala ka man lang kamalay-malay na sa kabila ng katahimikan ng kalawakan,
Ang puso ko nama'y naghuhumiyaw na para bang gusto ng kumawala sa kanyang pinagsisidlan. 

Sa sobrang tagal ng ating pananatili sa piling ng isa't isa,
Hindi ko parin mawari kung bakit laging hindi mapakali at parang kinikiliti tuwing ika'y aking katabi,
Ano nga bang nagawa ko at bakit ako binibiyayaan ng ganito kalaki?

Sa kabila ng aking mga pigil na hikbi sa mga iniyakan kong gabi,
Ika'y nanatili at mas piniling makinig
Tumangis ka rin sa aking tabi at naalala ko pa ang iyong sinabi, 
"Mahal, parang awa mo na ibigay mo nalang sakin lahat ng hinanakit dahil hindi ko kayang panoorin kang namimilipit sa sakit"
Malayo ako sa pagiging perpekto,
Pero ako parin ang iyong ginawang paborito at doon ko mismo napagtanto 
Na ang tahanang matagal ko ng hinahanap ay sa piling mo.

Marami sigurong aburido at nagtatanong kung bakit ang isang tao'y ginawa ko ng mundo,
Hindi nila maiintindihan kung paanong parang sinusunog ang aking lalamunan sa bawat di kaakit akit na salita na kailangan kong bitawan sa ating awayan,
Mahal, wala silang kamalayan kung paanong parang may namumuong delubyo sa aking puso makita ko lamang ang mga ngiti mo,
O kung paanong nanlulumo ang aking mga tuhod marinig ko lamang ang boses mo,
O kung paanong isang tingin ko lamang sa mga mata mo'y napapatigil na ako't di mawari ang sunod na salitang pakakawalan,
O kung paanong nagiging iyong alipin ang aking damdamin na hindi basta-basta kayang paalpasin.
Tinuruan mo akong maging isang lawin na kayang liparin ang himapapawirin na kahit anumang pagsubok ang harapin, 
Maasahan kong sabay nating babaybayin ang walang kasiguraduhang mundo dahil mahal, sigurado ako sayo.

Kaya sa huling gabing payapa ang gabi't malumanay ang hangin 
At ang mga alo'y humihimlay sa buhangin
At ang mga kulisap ay sa ibang lupain binubuhos ang kanilang mga hinain,
Irog, sinong magaakala na totoo nga ang kasabihan na sa haba-haba ng nilakaran ay sa simbahan din ang ating hahantungan. 

Kaya, mahal, pagbigyan mo ako sa huling gabing ito, 
Na hindi pa tayo pinag-iisa ng langit at mga bituin,
Makikisabay ako sa daloy ng mga ulap at agos ng hangin,
At sa Itaas ako'y hihiling,
Ang taong tulad mo'y pinagdasal ko ng mataimtim
At ngayong ika'y nasa akin nang piling
Wala na kong balak na ikaw pa'y paalisin. 


Huling Tayo

Pero, mahal, tayo'y mga ibon
Na mas piniling sa ibang panahon na lamang muling magtagpo dahil tayo'y lumiko sa magkaibang direksyon.
At eto ang totoo, ganito ang mundo.
Yung akala mong walang mintis at kay tayog, guguho at guguho.
At eto na nga tayo, sa pinaka ayokong katotohanan. 
Hindi ko maintindihan, paano nga ba nawala sakin ang aking tahanan? 

Walang patid na pagbusina ng mga sasakyan,
Kaluskos ng mga paang nagmamadali papunta sa kanya-kanyang tahanan,
Nakakarinding kaguluhan.

Dito ata pinili ng mga kulisap magbuhos ng kanilang mga hinain sapagkat wala ka na sa aking piling.
Subukan naman natin ang kuwento natin.

Nagsimula tayo,
Pinagpatuloy natin,
Iginapang natin,
Natalo ako,
Lumaban ka,
Nagalit ka,
Sumuko ako,
Mga luhang umaagos,
Mga salitang tumatagos,
Mga emosyong bumubuhos,
Pusong nakagapos,
Pagmamahal nating lubos,
At iyong huling haplos,
umaagos, tumatagos, bumubuhos, nakagapos, lubos, haplos, tapos
At doon na nga tayo nagtapos,
At sa loob lamang ng ilang oras,
Dalawang taon ay nauwi sa upos.
Baka nga dapat na lamang nating iasa sa Diyos.
Baka sakaling Siya, kaya niya pang isaayos.
Baka puwedeng punan Niya yung mga bagay na tayo'y kinapos.
Baka Siya alam Niya yung tamang kilos,
Pero sa huli, ang punto, tayo'y nagtapos. 

Mahigit isang daang salita,
Ngunit iisa ang ginugunita,
Mula sa kulay ng iyong mga mata,
Hanggang sa pagmamahal mong mapagportekta.
Mahal kita,
At patuloy kitang mamahalin,
Matapos man ang kwento natin.
Kaya sana huwag mo namang balewalain,
Kung paanong pinili kong mag-iwan ng mga magagandang gugunitain,
Kaysa tuluyan pang ang estorya natin ay masamain.
Hindi lang naman to para sa akin,
Pero maiintindihan ko kung sa galit ika'y maging alipin.
Para sa mga pangakong sa wala nauwi, paumanhin
Para sa emosyong namumutawi, paumanhin
At para sa mga gabing nais ika'y mabawi, paumanhin
Kung kaya ko lang, damdami'y papatayin.
Panalangin nawa'y dinggin,
Kasiyahan mo lamang ang hinihiling,
Kahit wala na ako sa iyong piling.

Hindi mo alam kung paanong parang ako'y pinaglalaruan ng sarili kong isipan,
Paano bang basta na lamang mawala ang taong pinag-alayan ko ng lahat-lahat?
Hindi ko na alam kung pano ipapanalo ang laban,
Nakikita parin kita sa mga lugar na minsan nating napuntahan,
Naamoy parin kita sa paborito kong kasuotan,
Naririnig ko parin bawat hikbi at kalungkutan.

Kaya, mahal, pagbigyan mo ako sa huling gabing ito,
Makikisabay tayo sa ingay ng mundo,
Umasa na lamang tayong matatapos din ang delubyo sa ating mga puso.
Tapos na ang laro ng pantintero,
Oras na para magbitaw at sa buwan tayo'y magpapaagaw,
Mga nakaw na sandali, dadaming di maikubli,
Tama na.
Awat na.
Ayoko na.

4 comments:

  1. continue writing hehehe i wuv u author 🥺❤️

    ReplyDelete
  2. Always the best way to express what we feel, writing. 👏🏻💕

    ReplyDelete
  3. Ang ganda mawie, keep on writing.

    ReplyDelete

Your Not-So-Gentle Hands

Ajani/him - he who wins the struggle Alexandra/I - defender of mankind; helper Zoe - life Some bitch - whoever that girl was “What was that...